crash_helmeted_students (longingforabi) wrote in radicalpinoys,
crash_helmeted_students
longingforabi
radicalpinoys

http://afesta.blogsome.com

ANARCHIST FESTIVAL JULY 2006
UPDiliman July 14-16,2006
Philippines

STEAL BACK OUR LIVES: A Celebration of Autonomous Resistance

Sa tingin mo ba ay nasasaiyo pa ang iyong buhay?

Kailan ka huling tumingin sa salamin at huling sinabi ang wikang, “Ahhhh, ang sarap palang mabuhay sa mundong ito.” Malamang ay paslit ka pa lang noon, hawak-hawak ang iyong manika o bisikleta. Lahat ng mundo’y puro laro, at masaya kang naglalakbay sa taas ng mga puno o sa loob ng iyong isipan.

Ngayon, naririyan ka sa harap ng salamin sa loob ng iyong banyo, napapatitig ka sa harap nito at napapabuntung-hininga sa bigat ng pasanin, sa pighati, sa sakit, sa pagod, sa galit, sa inis, sa kawalan ng kontrol sa iyong paligid at sarili. “Kaunting tiis lang, anak, pagkatapos mo ng Narsing ay maiaahon mo na tayo sa hirap.” “Honey, tutal wala ka namang kinikita sa pagsusulat, mag-call center ka na lang.” “Mayor, nagmamakaawa po kami, utang na loob kung makakatulong kayo.” “Hamo, maaawa rin si Boss at ibibigay na niya ang overdue nating sahod.” “Ipinanganak kang lalake, tapos naglalalandi kang ganyan?” “Diyos kong Ama, Kayo na po ang bahala sa amin… at sana’y makapag-abroad na po ako sa susunod na buwan.” Ilan iyan marahil sa mararahas na boses na iyong naririnig sa araw-araw: at ang puno’t dulo ng mga ito’y nagsasabing… Wala ka nang magagawa; kung hindi ka susunod sa agos, kung hindi mo isusuko ang iyong sarili sa kanila, mamatay kang dilat ang mata.

Ngunit paano kung parang mahika’t binulong ng salamin: Maaari pang mapasaiyo muli ang iyong buhay! At ipinakita sa iyo ng salamin na nito palang Hulyo 18, pitumpung (70) taon na ang nakalipas, sa Espanya’y nagtangka ang karaniwang Espanyol na bawiin ang kanilang mga buhay mula sa mga bagay na naghahari-harian sa kanila. Nito palang darating na Hulyo 15-17 ay kokumprontahin muli ng samu’t saring tao ang walong pinaka-dominanteng bansa mula sa pagpupulong nito sa ilalim ng G8 Summit sa Rusya; may pandaigdigan ding panawagan na kumilos ang lahat sa kani-kanilang lugar na pigilin ang mga dambuhalang industriyang patuloy na naninira sa kalikasan. May natanaw ka ring mga salita: Palayain ang Sagada 11-2! …at nito palang Hulyo ay may mga taong nagpapakilalang ‘anarkista’ at ‘aktibistang autonomous’ na magtatangkang magdaos ng kanilang sariling pagpapahayag ng paglaya’t pag-angkin muli ng kanilang mga buhay sa mismong linggo bago ang ‘State of the Nation Address’.

… at nakita naaninag mo sa salamin na naririyan lang pala sa iyong paligid ang mga ‘anarkista’t aktibistang autonomous’ na ito: mga manggagawang lihim o di-lihim na gumagawa ng paraan upang maagaw ang kapangyarihan sa kanilang mga amo, mga mag-aaral na nagdeklara ng kanilang sariling-determinasyon at nag-eeksperimento kung paano mababago ang kanilang kalagayan, mga babae’t lalake’t lesbyana’t bakla’t bisexual at transgender na nagpasyang ibahin ang kanilang kasarian ayon sa kanilang nais, mga tiga-pamayanan na kolektibong nag-uusap at kumikilos nang hindi na ini-aasa pa sa kung sinong padrino’t maykapangyarihan ang kanilang kapalaran, mga kabataang tuwirang lumilikha ng mapagpalayang pamumuhay. Natuklasan nila na nasa kanila na pala mismo nagmumula ang kapangyarihan; bakit pa nga ba nila ito ipinapasa sa iba? (Aral iyan ni Rodimus Prime nang nakuha niya ang Matrix of Leadership mula kay Optimus Prime! mula sa cartoon na Transformers)

… at akala mo’y ang tanging palagiang napapanood sa telebisyon –‘yung mga ‘propesyunal na aktibista’, mga ‘kinatawan ng iyong interes’, handang magpahuli’t magsakripisyo’t magpabugbog sa maykapangyarihan para sa iyong kapakanan – ang may pribilehiyong makibaka. (Hmmnnn, kaya nga siguro palagi mong iniisip na hindi mo kayang angkinin ang iyong buhay, dahil pati sa kanila ay isinuko mo na rin ang iyong kagustuhang lumaya!). Mali ka pala. Iba itong mga taong nakikita mo sa salamin: sila mismo ang kumukuha, sila mismo ang kumikilos, sila mismo ang lumalaya… at tumatawang bumulong ang salamin: Kaya mo rin ang ginagawa nila, dahil katulad mo rin sila.

Handa ka na bang humakbang sa loob ng salamin at simulan ang iyong paglaya? Nakangiti kaming maghihintay sa iyo, friend! Hindi iyong tipo ng ngiti sa patalastas na toothpaste, kundi ang ngiti na ang mensahe’y Ang galing mo! Welcome! Congrats for doing it yourself! Kailangan mo ng tulong? Kapwa-damayan! na hindi naririndi sa kakornihan, mga tinig na puno ng katapatan.

Halika at iwanan ang lumang mundo ng pighati. Magsasalu-salo kami ngayong Hulyo 14-16, 2006 sa UP Diliman upang tahakin ang panibagong mundo- ang mundo ng kalayaan at pagmamahal. Angkinin natin ito! Angkinin natin ang ating sarili!

Takbo bilis takbo, ang lumang mundo ay nasa likod mo!

inihandog ng A-Festa Propaganda Arm
http://afesta.blogsome.com
  • Post a new comment

    Error

    default userpic

    Your IP address will be recorded 

  • 0 comments